Let nothing disturb you, Let nothing frighten you, All things are passing away: God never changes. Patience obtains all things Whoever has God lacks nothing; God alone suffices. -- St. Teresa of Avila

Sunday, November 3, 2013

Mga Tanong at Sagot: Sta. Teresa ng Avila


Tanong 1:  Ano itong nabalitaan ko na magse-celebrate daw sa Year 2015 ang mga Carmelites ng 500th birthday si Santa Teresa ng Avila? Sino ba siya?
Sagot:   Si Sta. Teresa ay isang madreng Kastila, tinaguriang “Master of Prayer” at kauna-unahang babaeng “Doctor of the Church” ng Simbahang Katolika.   Ipinanganak siya sa Avila sa Spain, noong March 28, 1515.  Ang mga magulang niya ay sila Don Alonso Sanchez de Cepeda at Doña Beatriz Davila y Ahumada.  Siyam silang magkakapatid, pangatlo si Teresa.  May tatlo pang anak ang kanyang ama sa unang asawa.  Sa lengguahe natin ngayon, si Teresa ay matatawag na “makulit” na bata, may malikot na imahinasyon, lista at matalino.  Dahil sa pinalaki siya ng relihisyosong mga magulang, gustung gusto niya ang mga kuwento tungkol sa mga santo at martir, tulad ng kapatid niyang nakababata, si Rodrigo, na tsokaran niya sa kalikutan. Biruin nyo, nung 7-yars-old pa lang si Teresa at dala ng matinding kagustuhang makita ang Diyos, hinimok niya si Rodrigo na pumunta sa lupain ng mga Moro, para magpapugot ng ulo bilang mga martir, at nang makarating sila  sa langit para makita ang Diyos! 

Tanong 2:  Pitong taon, gustong magpapugot ng ulo’t magpakamartir para makita ang Diyos?  Grabe pala si Sta. Teresa… pero kahanga-hanga din.  O, ano’ng nangyari? 

Sagot:  Tumakas ang magkapatid, naglayas—pero naunsiyami ang plano nila!  Bumuo ng isang “search party” ang mga magulang ni Teresa para hanapin ang mga nawawalang bata.  At hayun, hindi pa sila nakakalayo ay nasalubong na nila ang isang tiyuhin nila!  Siyempre, ibinalik sila ng tiyuhin nila sa nanay nilang balisa.  Pero hindi ganoong kadaling sawayin si Teresa.  Niyaya niya ulit si Rodrigo—dahil kung hindi rin lang sila puwedeng magmartir, mag-ermitanyo na lang daw sila.  “Oo” na naman itong si Rodrigo, kaya sige, naghakot sila ng mga malalaking bato sa hardin nila, pinag-patung-patong para maging mga “selda” na tulad ng tirahan ng mga ermitanyo.  Kung ang karaniwang mga bata ay mahilig mag-“bahay-bahayan”, kakaibang laro ang gusto ni Teresa.  Musmos pa lang ay nababakas nang patungo sa Diyos ang takbo ng isip niya.
Tanong 3:  Ganoon ba ang naging laro niya hanggang maging madre siya? 
Sagot:  Ay, hindi!  Hindi nagtagal ay nabuwag ang mga seldang itinayo nila ni Rodrigo, at kung saan-saan naman nabaling ang pansin ni Teresa.  Sa paglakad ng panahon, isusulat ni Teresa na “Nagsimula ko nang mapansin ang mga likas na kaakit-akit na mga katangiang ipinagkaloob sa akin ng Diyos—na sabi ng mga tao’y marami daw.”  Para kasing magnet si Teresa sa pansin ng tao, magaling makihalubilo at magustuhin sa tao lalo na kung gusto rin siya ng mga ito.  Nagpadala siya sa agos, ika nga, hati ang puso niya sa Diyos at sa mundo.
Tanong 4:  Tila magiging isang makamundong babae si Teresa, ah.  Ano naman ang sinasabi ng nanay niya tungkol sa nangyayari sa kanya?
Sagot.  Namatay ang nanay ni Teresa noong 12-taong gulang pa lang siya, isusulat niya paglaon ang lungkot niya noon:  “Nang maunawaan ko na kung gaano kalaki ang nawala sa akin nang mamatay siya, labis akong nagdusa, kaya humarap ako sa isang imahen ng ating Mahal na Ina, at luhaan akong sumamo sa kanya na siya naman sana ang aking maging ina.”   Ayon pa rin sa kaniyang isinulat, “Nagsimula akong manamit nang magara, at humilig na magpaganda; sobra ang pag-aalaga ko sa mga kamay at buhok ko; nahilig ako sa mga pabango at sa kung anu-anong mga walang kapararakang bagay na kawiwilihan dahil napakabanidosa ko. Ilan taon ding pinaghirapan kong maging sobrang malinis, na sa tingin ko noo’y hindi naman makasalanan.”
Tanong 5:  Naku, pinahirapan siguro ni Teresa ang tatay niya, ang “single father” at biyudong nagpapalaki ng isang dosenang anak!
Sagot:  Sigurado!  Delikado kasing maiwan ang dalagitang si Teresa nang walang yayang nakabantay!  Kaya hayun, noong taong 1529, ipinasok siya ng tatay niya sa isang kumbentong Agustinyano na nagpapatakbo ng isang “finishing school” kung saan ang mga dalagang kauri ni Teresa ay tinuturuan at ihinahanda para sa isang matimtimang buhay-may asawa.  Tinuturuan silang maging pino, maging mahusay sa mga gawaing pambahay tulad ng pagbuburda, pagluluto, pag-aayos ng bahay, at pagiging mabuting ina at maybahay, mga ganon ba.
Tanong 6:  Ah… ipinasa ni Don Alonso Sanchez de Cepeda ang sakit ng ulo niya sa mga madre?
Sagot:  Tama ang ginawa ng tatay niya!  Bumait si Teresa, nabawasan ang pagka-selfish! Samantala, lumalim at tumibay naman ang pagtingin ni Teresa sa mga madre ng Our Lady of Grace.  Na-impress si Teresa sa kabanalan at kabutihan noong Novice Mistress nila, si Sr. Maria Briceño na namamahala sa mga estudyante.  Unti-unti, sa bago at matiwasay niyang kapaligiran, napansin ni Teresa na mukhang papunta na sa Diyos ang mga iniisip niya.  Pero kahit na naging parte na ng buhay niya ang pagdadasal, isinulat pa niya, “…wala akong hilig magmadre, at hiningi ko sa Diyos na huwag ibibigay sa akin ang bokasyong iyon, pero takot din naman akong mag-asawa…”
Tanong 7:  Hindi ba kakatwa iyon, ang magiging Santa at Doctor of the Church  ay ni ayaw magmadre?
Sagot:  Opo, at napilitan nang pumili si Teresa dahil kinabukasan na niya ang nakataya.   Pinaikot-ikot na niya sa isip niya ang maaaring mangyari—sa pag-aasawa o pagmamadre man—pero hindi pa rin siya makapag-pasya.  Ganoong katindi ang paghihirap niya, nagkasakit tuloy siya.  Simula na iyon ng sunod-sunod na misteryosong mga sakit na tila kakambal na niya pang habang buhay.  Tatlong buwan siyang nakipagbunuan sa mga pangamba niya, at sa wakas, nangibabaw ang common sense, at isinulat niya,  “Bagama’t hindi lubos na sang-ayon ang kalooban ko sa pagmamadre, nakita kong ang buhay-relihiyoso ang pinakamabuti at pinakaligtas, kaya’t unti-unti kong pinilit ang sarili kong tanggapin ito.”
Tanong 8:  May “common sense” nga.   Tuwang tuwa siguro ang tatay niya sa desisyon niya?
A.  Maniwala kayo’t hindi, nasiphayo si Don Alonso nang humingi ng pahintulot ang paborito niyang anak para magmadre!  Tigas ang tanggi—hindi diumano niya mapapayagang magmadre si Teresa habang siya’y nabubuhay!    Pero walang takot si Teresa.  Nagtapat siya sa isa pa niyang kapatid, si Antonio, kaya isang gabi sa buwan ng Nobyembre, sinamahan siya nitong tumakas patungo sa kumbento para ialay ang buhay sa pagmamadre.  Dinamitan siya ng abitong Carmelitano noong taong 1536; ang pangalang relihiyosong pinili niya ay “Teresa de Jesus”.  Hindi na iyon laro-laro tulad ng naunsiyaming pagpapapugot ng ulo noong paslit pa siya—totohanan nang matutuloy ang paghubog ng isang masugid na alagad ni Kristo, isang matapang na repormadora, tapat sa kaniyang mga panata, isang santa na hihiranging kauna-unahang babaeng “Doctor of the Church”.  Sa kalaunan, malilimi ni Teresa nang buong linaw ang kahulugan ng kanyang buhay, na simpleng-simple niyang isasaad sa mga katagang ito:  “Sa wakas, Panginoon, ako’y isa nang supling ng Simbahan.”
Tanong 9:  Paano bumaligtad si Teresa mula sa pagiging paboritong anak ng tatay niya hanggang sa pagiging anak ng Simbahan?

Sagot:  Naku, mahabang kuwento iyon, pero eto ang buod:    Ang relasyon ni Teresa sa Simbahan ay hindi lamang sa panimulang antas ng kapanganakan, o tawag ng katapatan.  Sa panahon natin ngayon, marami sa ating mga katoliko ang mga “KBL”—mga pumapasok lamang sa simbahan kapag Kasal, Binyag at Libing—at akala natin, sapat na iyon para tayo’y mabuhay at matawag na “katoliko”.   Para kay Teresa, ang pakikipag-ugnayan sa Simbahan ay higit na malalim at nakapagbabagong-anyo, pero dawit dito ang lakas ng loob at paglago bilang isang nilalang.  Mula sa edad na 23 hanggang 41 lamang napagtanto ni Teresa na gustuhin man niya, hindi maaaring apurahin ang paglapit sa Diyos, ang pagpapakabanal, pagkat ang tunay na paglago at paghinog ay mabagal.  Napaglimi niya na ang kabanalan ay ang matuto tayong tumanggap sa katotohanan, maging bukas sa salita ng Diyos, at iayon ang ating kalooban sa kalooban ng Diyos.  Tulad ng pagbubuntis, kung saan ang isang nilalalang ay kailangang alagaan nang siyam na buwan sa sinapupunan ng ina bago iluwal, ang pakikipagugnayan sa pagitan ng Diyos at ng tao ay nangangailangan din ng mahabang panahon ng pag-aaruga.  Ngunit batid ni Teresa na ang Panginoon ay handang maghintay kahit ilang araw, buwan o taon para tayo tumugon sa Kanya—di ba’t 20 taon ngang naghintay ang Panginoon sa kanya?
Tanong 10:  Pampalubag-loob ding malaman na pinaghintay din pala ni Teresa ang Diyos, katulad ng ginagawa nating lahat ngayon…

Sagot:  Tama!  At ito siguro ang dahilan kung bakit tahasang inaamin ni Teresa ang mga kahinaan niyang isipirituwal—para bigyan tayo ng lakas ng loob sa panahon natin.  Kaparehong-kapareho natin si Teresa—hati ang puso.  Napakatagal niyang binuno ang sarili niya.  Mientras nanalangin niya,  lalo niyang naunawaan ang mga pagkakamali niya, ayon sa isinulat niya:  “Kapag kinalulugdan ko ang mga inihahain ng mundo, nanglulumo akong alalahanin ang pagkakautang ko sa Diyos.  Kapag kapiling ko naman ang Diyos, binabagabag naman ako ng pagkahumaling ko sa mundo.  Sadyang napaka-maligalig ng labanang ito kaya’t hindi ko malaman kung papaano ko ito natiis ng isang buwan, lalo pa ng maraming taon!  Mahigit labing-walong taon sa loob ng dalawampu’t walo mula nang magsimula akong manalangin, tiniis ko ang ganitong labanan sa pagitan ng pakikipagkaibigan ko sa Diyos at pakikipagkaibigan ko sa mundo.”
Tanong 11:  Para pala siyang iyung nasa popular na kanta, ‘Torn Between Two Lovers’… parang tayo din, kaya siguro makakatulong sa sarili nating paglalakbay ang malaman natin ang paghihirap ng loob ni Teresa.
Sagot:  Totoo na may dalawang puwersang nagtatalo sa kalooban ni Teresa, pero ganunpaman, ginagantimpalaan pa rin ng Diyos ang pagsisikap niya.  Mas sumasama ang inaasal niya, tila mas lalo pang nalulugod sa kanya ang Diyos a pinadadalhan pa rin siya ng higit na maraming grasya.  Isinulat niya, “Tunay nga, aking Hari, Ikaw na nakababatid kung ano ang higit kong ipaghihirap, ay pumili ng pinakamasakit na parusa.  Sa kamangha-mangha Mong mga kaloob, pinarusahan Mo ang aking mga kasalanan!”  Sa bawa’t pagkakasala niya ay lalo siyang nababagabag.  Para sa kanya, “bagsak” na siya, “sira na ang rekord” niya sa Panginoon, pero naisip pa rin niya na maaaring ang dinaraanan niya ang siyang makakatulong sa mga taong nahihirapan sa kanilang pananalangin.  Katuwiran niya, kung pinagtiyagaan ng Diyos ang isang katulad niya, papagtiyagaan din Niya kahit sino.
Tanong 12:  Hmmm... nakakabuhay naman ng loob isipin na walang sawang sinusuyo ng Diyos ang mga makasalanan.  Ano pa?
Sagot:  Napakasakit at napakabagal ng pag-unlad para kay Teresa, hindi naganap dahil sa isang milagrong naglayo sa kanya sa sakit at pasakit.  Magkagayonman, nagsimulang mamukadkad ang buhay ni Teresa sa kabanalan, katatagan sa panalangin, at pag-ibig sa kapwa.  Napuna ng mga tao ang ibinubunga ng Espiritu Santo sa pagbabago ni Teresa, at ang mga dati niyang kaaway ay unti unting naging mga kaibigan at tagahanga. Ang Kristong minahal niya ang bumabago sa anyo ni Teresa para maging magkawangis silang dalawa—at hindi na maitago ang ganitong pagbabagong-anyo.  Naging uliran si Teresa bilang isang iginagalang at kinikilalang relihiyoso na marubdob na nagsasabuhay ng kanyang bokasyon.   Pero hindi pa rin siya mapakali.  Pakiramdam niya’y may higit pa siyang dapat gawin para sa Diyos, pero hindi niya malaman kung ano iyung “higit” na iyon.
Tanong 13:   Si Teresa, pinagbabagong-anyo ni Kristo?  Nahulaan kaya ni Teresa kung ano ang parating sa kanya? 
Sagot:  Mukhang hindi.  Wala siyang kamalay-malay na nagsisimula na ang kanyang pinaka-mapagsapalarang paglalakbay.   Aasahan siyang iwanan ang katiyakan at katiwasayan para humayo at simulan ang isang repormang magmumula sa kanyang sarili.  Babaeng-babae si Teresa at ang kanyang henyo ay naipahayag sa buhay na kinatha niya para sa kanyang mga “anak” na madre.  Tarok ni Teresa kung ano ang nararapat at makakatulong, at ipinaloob niya ito sa mga praktikal na alituntunin at ispirituwal na pagdidili-dili, na siya namang nagbigay-buhay sa tinatawag nating ngayong “Teresian ideal”.  Sila’y isang maliit na pangkat ng mga Kristiyanong magiging mabubuting kaibigan ng Panginoon sa pamamagitan ng pagtalima sa Kanyang mga habilin, at sa isang payak na buhay ng pananalangin, alang alang sa mga nangangaral at tagapagtanggol ng Simbahan; sa gayon, isang buhay ng paglilingkod sa Simbahan, paglilingkod kay Kristo.
Tanong 14:  Mula noon, puro na ba panalangin para kay Teresa?  Ibig bang sabihin noon, sa wakas ba eh, ermitanyo na rin siya kung hindi man naging martir? 
Sagot:  Iyan ang kahanga-hanga kay Teresa.  Ang Carmel ay hindi para sa mga “ mistikong matayog ang lipad” kundi para doon sa mga taong nakatanim ang mga paa sa lupa.  Para kay Teresa, ang pananalangin ay isang apostolado, pagka’t “ang isang sandali ng dalisay na pag-ibig ay higit na kapaki-pakinabang para sa Simbahan kaysa lahat ng mabubuting gawaing pinagsama-sama, kahit na mukhang walang naisasagawa.”  Sa buhay niya, makikita mo kung ano ang nagagawa ng “isang sandali ng dalisay na pag-ibig”.  Mula sa unang pundasyon ng kumbento ni San Jose noong Agosto 24, 1562, humayo si Teresa at nagtatag ng 16 pa, pati na dalawang monasteryo para sa mga prayle.  Naglalakbay siya sa buong Espanya, tumatawid ng mga bundok, ilog, mga tigang na parang, sakay ng mga karwahe o kariton na hinihila ng mga kabayo o bisiro sa napakasamang mga daanan.  Tiniis niya at ng kanyang mga kasama ang hirap at sakit na dala ng malulupit na panahon, kakulangan ng makakain, at mga gabing pinalipas sa mga panuluyang-bahay (inns) na pinamumugaran ng mga daga.  Mantakin ninyong nagawa itong lahat ng monghang ito!!!
Tanong 15:  Isang mongha, nagtatag ng 17 kumbento para sa mga madre, at 2 monasteryo para sa mga prayle?  Sus, “tigasin” pala yang si Teresa!
Sagot:  Tigasin”, opo, pero hindi siya si Superwoman!  Sadyang matatag ang pananalig ni Teresa sa Panginoon na para sa kanya ay isa ngang nagmamahal na Kaibigan, kaya nga may lakas siya ng loob sa dinadaanang mga pagsubok. Noong minsang nahulog sa kanal ang karwaheng sinasakyan nila, may buntung-hininga si Teresang nagwika sa Panginoon, “Kung ganito ang pagtrato Mo sa mga kaibigan mo, hindi nga kataka-takang napakakaunti nila!”  Masigla man ang kanyang diwa, sa edad na 67, hindi na makaya ng lakas ng loob niya ang nanghihina niyang katawan.  May kanser na siya.  Sa kumbento sa Alba de Tormes, masunurin niyang tinanggap ang mga iniresetang gamot ng mga doktor sa kanya, kahit alam niyang wala nang silbi ang mga iyon.
Tanong 16:  Bakit, alam ba ni Teresa na mamamatay na siya?
Sagot:  Batid niyang nalalapit na ang katapusan at habang napapaligiran siya ng mga madre sa kanyang higaan, bumulong siya:  “Mga anak, isinasamo ko sa inyo, patawarin ang masamang halimbawa ko, ako na siyang pinakamalaking makasalanan sa mundo… alang-alang sa pag-ibig sa Diyos, nawa’y tupdin ninyo nang buong giting ang ating mga Patakaran at Alituntunin, at tumalima kayo sa mga nakatataas.”  Unti-unting pumalaot ang diwa ni Teresa at namutawi sa kanyang mga labi ang kahulugan ng kanyang buhay sa mga katagang, “Sa wakas, Panginoon, ako’y isa nang supling ng Simbahan.”   Oktubre 4, 1582 noon, ika-9 ng gabi.  Hinirang na Santa si Teresa noong Marso 12, 1662 ng Santo Papa Gregorio XV; noong Setyembre 27, 1970, itinanghal siyang kauna-unahang babaeng “Doctor of the Church” ng Santo Papa Pablo VI.
Tanong: 17  Parang napaka-importante yata ang pagiging isang Doctor of the Church.  Ano ba talaga ang kahulugan niyon at paano hinihirang na ganoon ang isang tao?
Sagot: Ang “Doctor of the Church” ay isang natatanging titulo na iginagawad ng Santo Papa sa mga piling santo na dahil sa kanilang panulat, turo o pahayag ay naging lubhang mahalaga sa  kabuuan ng doktrina at teolohiya ng Simbahan.  Hindi batayan ng paghirang sa kanila bilang “Doktor” ang taas ng naabot nila sa paaralan; anupa’t ang ilan nga sa kanila’y halos hindi nakatuntong ng paaralan.  Kinikilala sila dahil sa kanilang kabanalan, sa lalim ng kanilang pang-unawa sa Wika ng Diyos, sa lawak at katapatan ng kanilang mga turo tungkol sa Diyos, at sa kabutihang naidudulot nila sa buhay-pananalig ng Simbahan sa anumang panahon—mga makinang na palatandaan na ang kanilang mga panulat ay kinasihan ng biyaya ng Espiritu Santo.  May 35 “Doctor of the Church” ang Simbahang Katolika, at apat dito ay mga babae.  Si Sta. Teresa ng Avila ang kauna-unahang babae na ginawaran ng ganitong parangal.


Updated November 1, 2013
for the National Commission on the 5th Birth Centenary of St. Teresa of Avila
For more on St. Teresa of Avila, please visit:


Mga Tanong at Sagot: Sta. Teresa ng Avila

Tanong 1:   Ano itong nabalitaan ko na magse- celebrate daw sa Year 2015 ang mga Carmelites ng 500 th birthday si Santa Ter...