Tanong 2: Pitong taon, gustong magpapugot ng ulo’t magpakamartir para makita ang Diyos? Grabe pala si Sta. Teresa… pero kahanga-hanga din. O, ano’ng nangyari?
Sagot:
Tumakas ang magkapatid, naglayas—pero naunsiyami
ang plano nila! Bumuo ng isang
“search party” ang mga magulang ni Teresa para hanapin ang mga nawawalang
bata. At hayun, hindi pa sila
nakakalayo ay nasalubong na nila ang isang tiyuhin nila! Siyempre, ibinalik sila ng tiyuhin nila
sa nanay nilang balisa. Pero hindi
ganoong kadaling sawayin si Teresa.
Niyaya niya ulit si Rodrigo—dahil kung hindi rin lang sila puwedeng
magmartir, mag-ermitanyo na lang daw sila. “Oo” na naman itong si Rodrigo, kaya sige, naghakot sila ng
mga malalaking bato sa hardin nila, pinag-patung-patong para maging mga “selda”
na tulad ng tirahan ng mga ermitanyo. Kung ang karaniwang mga bata ay mahilig mag-“bahay-bahayan”,
kakaibang laro ang gusto ni Teresa.
Musmos pa lang ay nababakas nang patungo sa Diyos ang takbo ng isip
niya.
Tanong 3: Ganoon ba ang naging laro niya hanggang
maging madre siya?
Sagot: Ay, hindi! Hindi
nagtagal ay nabuwag ang mga seldang itinayo nila ni Rodrigo, at kung saan-saan
naman nabaling ang pansin ni Teresa.
Sa paglakad ng panahon, isusulat ni Teresa na “Nagsimula ko nang
mapansin ang mga likas na kaakit-akit na mga katangiang ipinagkaloob sa akin ng
Diyos—na sabi ng mga tao’y marami daw.”
Para kasing magnet si Teresa
sa pansin ng tao, magaling makihalubilo at magustuhin sa tao lalo na kung gusto
rin siya ng mga ito. Nagpadala
siya sa agos, ika nga, hati ang puso niya sa Diyos at sa mundo.
Tanong 4: Tila magiging isang makamundong babae si Teresa, ah. Ano naman ang sinasabi ng nanay niya
tungkol sa nangyayari sa kanya?
Sagot. Namatay ang nanay ni Teresa noong 12-taong
gulang pa lang siya, isusulat niya paglaon ang lungkot niya noon: “Nang maunawaan ko na kung gaano kalaki
ang nawala sa akin nang mamatay siya, labis akong nagdusa, kaya humarap ako sa
isang imahen ng ating Mahal na Ina, at luhaan akong sumamo sa kanya na siya
naman sana ang aking maging ina.” Ayon pa rin sa kaniyang isinulat, “Nagsimula
akong manamit nang magara, at humilig na magpaganda; sobra ang pag-aalaga ko sa
mga kamay at buhok ko; nahilig ako sa mga pabango at sa kung anu-anong mga
walang kapararakang bagay na kawiwilihan dahil napakabanidosa ko. Ilan taon
ding pinaghirapan kong maging sobrang malinis, na sa tingin ko noo’y hindi
naman makasalanan.”
Tanong 5: Naku, pinahirapan siguro ni Teresa ang tatay niya, ang
“single father” at biyudong nagpapalaki ng isang dosenang anak!
Sagot: Sigurado! Delikado kasing maiwan ang dalagitang si Teresa nang walang
yayang nakabantay! Kaya hayun, noong
taong 1529, ipinasok siya ng tatay niya sa isang kumbentong Agustinyano na
nagpapatakbo ng isang “finishing school” kung saan ang mga dalagang kauri ni
Teresa ay tinuturuan at ihinahanda para sa isang matimtimang buhay-may
asawa. Tinuturuan silang maging
pino, maging mahusay sa mga gawaing pambahay tulad ng pagbuburda, pagluluto,
pag-aayos ng bahay, at pagiging mabuting ina at maybahay, mga ganon ba.
Tanong 6: Ah… ipinasa ni Don Alonso Sanchez de Cepeda ang sakit ng ulo
niya sa mga madre?
Sagot: Tama
ang ginawa ng tatay niya! Bumait
si Teresa, nabawasan ang pagka-selfish!
Samantala, lumalim at tumibay naman ang
pagtingin ni Teresa sa mga madre ng Our
Lady of Grace. Na-impress si Teresa sa kabanalan at
kabutihan noong Novice Mistress nila,
si Sr. Maria Briceño na namamahala sa mga estudyante. Unti-unti, sa bago at matiwasay niyang kapaligiran, napansin
ni Teresa na mukhang papunta na sa Diyos ang mga iniisip niya. Pero kahit na naging parte na ng buhay
niya ang pagdadasal, isinulat pa niya, “…wala akong hilig magmadre, at hiningi
ko sa Diyos na huwag ibibigay sa akin ang bokasyong iyon, pero takot din naman
akong mag-asawa…”
Tanong 7: Hindi ba kakatwa iyon, ang magiging Santa at Doctor of the Church ay ni ayaw magmadre?
Sagot: Opo, at
napilitan nang pumili si Teresa dahil kinabukasan na niya ang nakataya. Pinaikot-ikot na niya sa isip
niya ang maaaring mangyari—sa pag-aasawa o pagmamadre man—pero hindi pa rin
siya makapag-pasya. Ganoong
katindi ang paghihirap niya, nagkasakit tuloy siya. Simula na iyon ng sunod-sunod na misteryosong mga sakit na tila
kakambal na niya pang habang buhay.
Tatlong buwan siyang nakipagbunuan sa mga pangamba niya, at sa wakas,
nangibabaw ang common sense, at
isinulat niya, “Bagama’t
hindi lubos na sang-ayon ang kalooban ko sa pagmamadre, nakita kong ang
buhay-relihiyoso ang pinakamabuti at pinakaligtas, kaya’t unti-unti kong
pinilit ang sarili kong tanggapin ito.”
Tanong 8: May “common sense” nga. Tuwang tuwa siguro ang tatay niya sa desisyon niya?
A. Maniwala kayo’t hindi, nasiphayo si Don
Alonso nang humingi ng pahintulot ang paborito niyang anak para magmadre! Tigas ang tanggi—hindi diumano niya
mapapayagang magmadre si Teresa habang siya’y nabubuhay! Pero walang takot si Teresa. Nagtapat siya sa isa pa niyang kapatid, si Antonio, kaya
isang gabi sa buwan ng Nobyembre, sinamahan siya nitong tumakas patungo sa
kumbento para ialay ang buhay sa pagmamadre. Dinamitan siya ng abitong Carmelitano noong taong 1536; ang
pangalang relihiyosong pinili niya ay “Teresa de Jesus”. Hindi na iyon laro-laro tulad ng naunsiyaming
pagpapapugot ng ulo noong paslit pa siya—totohanan nang matutuloy ang paghubog
ng isang masugid na alagad ni Kristo, isang matapang na repormadora, tapat sa
kaniyang mga panata, isang santa na hihiranging kauna-unahang babaeng “Doctor
of the Church”. Sa kalaunan,
malilimi ni Teresa nang buong linaw ang kahulugan ng kanyang buhay, na
simpleng-simple niyang isasaad sa mga katagang ito: “Sa wakas, Panginoon, ako’y isa nang supling ng Simbahan.”
Tanong 9: Paano bumaligtad si Teresa mula sa pagiging paboritong anak
ng tatay niya hanggang sa pagiging anak ng Simbahan?
Sagot: Naku, mahabang kuwento iyon, pero
eto ang buod: Ang relasyon ni
Teresa sa Simbahan ay hindi lamang sa panimulang antas ng kapanganakan, o tawag
ng katapatan. Sa panahon natin
ngayon, marami sa ating mga katoliko ang mga “KBL”—mga pumapasok lamang sa
simbahan kapag Kasal, Binyag at Libing—at akala natin, sapat na iyon para tayo’y
mabuhay at matawag na “katoliko”. Para kay Teresa, ang pakikipag-ugnayan sa
Simbahan ay higit na malalim at nakapagbabagong-anyo, pero dawit dito ang lakas
ng loob at paglago bilang isang nilalang. Mula sa edad na 23 hanggang 41 lamang napagtanto ni Teresa na
gustuhin man niya, hindi maaaring apurahin ang paglapit sa Diyos, ang
pagpapakabanal, pagkat ang tunay na paglago at paghinog ay mabagal. Napaglimi niya na ang kabanalan ay ang
matuto tayong tumanggap sa katotohanan, maging bukas sa salita ng Diyos, at iayon
ang ating kalooban sa kalooban ng Diyos.
Tulad ng pagbubuntis, kung saan ang isang nilalalang ay kailangang
alagaan nang siyam na buwan sa sinapupunan ng ina bago iluwal, ang
pakikipagugnayan sa pagitan ng Diyos at ng tao ay nangangailangan din ng mahabang
panahon ng pag-aaruga. Ngunit batid
ni Teresa na ang Panginoon ay handang maghintay kahit ilang araw, buwan o taon
para tayo tumugon sa Kanya—di ba’t 20 taon ngang naghintay ang Panginoon sa
kanya?
Tanong 10: Pampalubag-loob ding malaman na pinaghintay din pala ni
Teresa ang Diyos, katulad ng ginagawa nating lahat ngayon…
Sagot: Tama! At ito siguro ang dahilan kung bakit tahasang inaamin ni
Teresa ang mga kahinaan niyang isipirituwal—para bigyan tayo ng lakas ng loob
sa panahon natin. Kaparehong-kapareho
natin si Teresa—hati ang puso.
Napakatagal niyang binuno ang sarili niya. Mientras nanalangin niya, lalo niyang naunawaan ang mga pagkakamali niya, ayon sa
isinulat niya: “Kapag kinalulugdan
ko ang mga inihahain ng mundo, nanglulumo akong alalahanin ang pagkakautang ko
sa Diyos. Kapag kapiling ko naman
ang Diyos, binabagabag naman ako ng pagkahumaling ko sa mundo. Sadyang napaka-maligalig ng labanang
ito kaya’t hindi ko malaman kung papaano ko ito natiis ng isang buwan, lalo pa
ng maraming taon! Mahigit
labing-walong taon sa loob ng dalawampu’t walo mula nang magsimula akong
manalangin, tiniis ko ang ganitong labanan sa pagitan ng pakikipagkaibigan ko
sa Diyos at pakikipagkaibigan ko sa mundo.”
Tanong
11: Para pala siyang iyung nasa popular
na kanta, ‘Torn Between Two Lovers’…
parang tayo din, kaya siguro makakatulong sa sarili nating paglalakbay ang
malaman natin ang paghihirap ng loob ni Teresa.
Sagot: Totoo na may dalawang
puwersang nagtatalo sa kalooban ni Teresa, pero ganunpaman, ginagantimpalaan pa
rin ng Diyos ang pagsisikap niya. Mas
sumasama ang inaasal niya, tila mas lalo pang nalulugod sa kanya ang Diyos a
pinadadalhan pa rin siya ng higit na maraming grasya. Isinulat niya, “Tunay nga, aking Hari, Ikaw na nakababatid
kung ano ang higit kong ipaghihirap, ay pumili ng pinakamasakit na parusa. Sa kamangha-mangha Mong mga kaloob,
pinarusahan Mo ang aking mga kasalanan!” Sa bawa’t
pagkakasala niya ay lalo siyang nababagabag. Para sa kanya, “bagsak” na siya, “sira na ang rekord” niya
sa Panginoon, pero naisip pa rin niya na maaaring ang dinaraanan niya ang siyang
makakatulong sa mga taong nahihirapan sa kanilang pananalangin. Katuwiran niya, kung pinagtiyagaan ng
Diyos ang isang katulad niya, papagtiyagaan din Niya kahit sino.
Tanong 12: Hmmm... nakakabuhay naman ng loob isipin na walang sawang sinusuyo
ng Diyos ang mga makasalanan. Ano
pa?
Sagot: Napakasakit at napakabagal ng
pag-unlad para kay Teresa, hindi naganap dahil sa isang milagrong naglayo sa
kanya sa sakit at pasakit.
Magkagayonman, nagsimulang
mamukadkad ang buhay ni Teresa sa kabanalan, katatagan sa panalangin, at
pag-ibig sa kapwa. Napuna ng mga
tao ang ibinubunga ng Espiritu Santo sa pagbabago ni Teresa, at ang mga dati
niyang kaaway ay unti unting naging mga kaibigan at tagahanga. Ang Kristong
minahal niya ang bumabago sa anyo ni Teresa para maging magkawangis silang
dalawa—at hindi na maitago ang ganitong pagbabagong-anyo. Naging uliran si Teresa bilang isang
iginagalang at kinikilalang relihiyoso na marubdob na nagsasabuhay ng kanyang
bokasyon. Pero hindi pa rin
siya mapakali. Pakiramdam niya’y
may higit pa siyang dapat gawin para sa Diyos, pero hindi niya malaman kung ano
iyung “higit” na iyon.
Tanong
13: Si Teresa,
pinagbabagong-anyo ni Kristo?
Nahulaan kaya ni Teresa kung ano ang parating sa kanya?
Sagot: Mukhang hindi. Wala siyang kamalay-malay na
nagsisimula na ang kanyang pinaka-mapagsapalarang paglalakbay. Aasahan siyang iwanan ang katiyakan at katiwasayan para humayo
at simulan ang isang repormang magmumula sa kanyang sarili. Babaeng-babae si Teresa at ang kanyang
henyo ay naipahayag sa buhay na kinatha niya para sa kanyang mga “anak” na
madre. Tarok ni Teresa kung ano ang
nararapat at makakatulong, at ipinaloob niya ito sa mga praktikal na alituntunin
at ispirituwal na pagdidili-dili, na siya namang nagbigay-buhay sa tinatawag
nating ngayong “Teresian ideal”.
Sila’y isang maliit na pangkat ng mga Kristiyanong magiging mabubuting
kaibigan ng Panginoon sa pamamagitan ng pagtalima sa Kanyang mga habilin, at sa
isang payak na buhay ng pananalangin, alang alang sa mga nangangaral at
tagapagtanggol ng Simbahan; sa gayon, isang buhay ng paglilingkod sa Simbahan,
paglilingkod kay Kristo.
Tanong
14: Mula noon, puro na ba
panalangin para kay Teresa? Ibig
bang sabihin noon, sa wakas ba eh, ermitanyo na rin siya kung hindi man naging martir?
Sagot: Iyan ang kahanga-hanga kay Teresa. Ang Carmel ay hindi para sa mga “ mistikong matayog ang
lipad” kundi para doon sa mga taong nakatanim ang mga paa sa lupa. Para kay Teresa, ang pananalangin ay isang
apostolado, pagka’t “ang isang sandali ng dalisay na pag-ibig ay higit na
kapaki-pakinabang para sa Simbahan kaysa lahat ng mabubuting gawaing
pinagsama-sama, kahit na mukhang walang naisasagawa.” Sa buhay niya, makikita mo kung ano ang nagagawa ng “isang
sandali ng dalisay na pag-ibig”.
Mula sa unang pundasyon ng kumbento ni San Jose noong Agosto 24, 1562,
humayo si Teresa at nagtatag ng 16 pa, pati na dalawang monasteryo para sa mga
prayle. Naglalakbay siya sa buong
Espanya, tumatawid ng mga bundok, ilog, mga tigang na parang, sakay ng mga karwahe
o kariton na hinihila ng mga kabayo o bisiro sa napakasamang mga daanan. Tiniis niya at ng kanyang mga kasama
ang hirap at sakit na dala ng malulupit na panahon, kakulangan ng makakain, at mga
gabing pinalipas sa mga panuluyang-bahay (inns)
na pinamumugaran ng mga daga.
Mantakin ninyong nagawa itong lahat ng monghang ito!!!
Tanong
15: Isang mongha, nagtatag ng 17
kumbento para sa mga madre, at 2 monasteryo para sa mga prayle? Sus, “tigasin” pala yang si Teresa!
Sagot: “Tigasin”,
opo, pero hindi siya si Superwoman!
Sadyang matatag ang pananalig ni Teresa sa Panginoon na para sa kanya ay
isa ngang nagmamahal na Kaibigan, kaya nga may lakas siya ng loob sa
dinadaanang mga pagsubok. Noong minsang nahulog sa kanal ang karwaheng sinasakyan nila,
may buntung-hininga si Teresang nagwika sa Panginoon, “Kung ganito ang pagtrato
Mo sa mga kaibigan mo, hindi nga kataka-takang napakakaunti nila!” Masigla man ang kanyang diwa, sa edad na 67, hindi na makaya
ng lakas ng loob niya ang nanghihina niyang katawan. May kanser na siya.
Sa kumbento sa Alba de
Tormes, masunurin niyang tinanggap ang mga iniresetang gamot ng mga doktor sa
kanya, kahit alam niyang wala nang silbi ang mga iyon.
Tanong
16: Bakit, alam ba ni Teresa na
mamamatay na siya?
Sagot: Batid niyang
nalalapit na ang katapusan at habang napapaligiran siya ng mga madre sa kanyang
higaan, bumulong siya: “Mga anak,
isinasamo ko sa inyo, patawarin ang masamang halimbawa ko, ako na siyang
pinakamalaking makasalanan sa mundo… alang-alang sa pag-ibig sa Diyos, nawa’y
tupdin ninyo nang buong giting ang ating mga Patakaran at Alituntunin, at
tumalima kayo sa mga nakatataas.”
Unti-unting pumalaot ang diwa ni Teresa at namutawi sa kanyang mga labi
ang kahulugan ng kanyang buhay sa mga katagang, “Sa wakas, Panginoon, ako’y isa
nang supling ng Simbahan.”
Oktubre 4, 1582 noon, ika-9 ng gabi. Hinirang na Santa si Teresa noong Marso 12, 1662 ng Santo
Papa Gregorio XV; noong Setyembre 27, 1970, itinanghal siyang kauna-unahang
babaeng “Doctor of the Church” ng Santo Papa Pablo VI.
Tanong:
17 Parang napaka-importante yata
ang pagiging isang Doctor of the Church.
Ano ba talaga ang kahulugan niyon at paano hinihirang na ganoon ang
isang tao?
Sagot: Ang “Doctor of the Church”
ay isang natatanging titulo na iginagawad ng Santo Papa sa mga piling santo na
dahil sa kanilang panulat, turo o pahayag ay naging lubhang mahalaga sa kabuuan ng doktrina at teolohiya ng
Simbahan. Hindi batayan ng
paghirang sa kanila bilang “Doktor” ang taas ng naabot nila sa paaralan; anupa’t
ang ilan nga sa kanila’y halos hindi nakatuntong ng paaralan. Kinikilala sila dahil sa kanilang
kabanalan, sa lalim ng kanilang pang-unawa sa Wika ng Diyos, sa lawak at
katapatan ng kanilang mga turo tungkol sa Diyos, at sa kabutihang naidudulot
nila sa buhay-pananalig ng Simbahan sa anumang panahon—mga makinang na
palatandaan na ang kanilang mga panulat ay kinasihan ng biyaya ng Espiritu
Santo. May 35 “Doctor of the
Church” ang Simbahang Katolika, at apat dito ay mga babae. Si Sta. Teresa ng Avila ang
kauna-unahang babae na ginawaran ng ganitong parangal.
Updated
November 1, 2013
for the
National Commission on the 5th Birth Centenary of St. Teresa of
Avila
For
more on St. Teresa of Avila, please visit: